Sisa
Mula sa panulat ni:
Christian A. Gallardo
Kabilugan ng buwan.
Kapaligirang nilamon ng kadiliman.
Oh bituin kay liwanag ay ikinahiya ng
kalangitan
Hindi ko makita ang pag-asa.
Pinaso ng silahis ng araw ang talukap
ng mata ni Lani, isang estudyante ng Pamantasang Lungsod ng San Vicente. Umihip
ang hanging humaplos sa mga punong hitik sa bagong sibol na mga dahon na siya
namang sumubok na hilain pabalik sa higaan si Lani.
Inunat nya ang kanyang braso at wari’y
inaabot ang silong ng kaniyang kwarto.
Sinuot niya ang
kaniyang tsinelas at tumungo sa palikuran upang
maghilamos at gisingin ang diwa niyang hawak pa ng pagkahimbing sa
tulog. Dama niya pa din ang tawag ng kaniyang higaan.
“Lani! Halina’t kumain na tayo”,
makabasag pinggang sigaw ng kaniyang inang si Fely. Dumiretso si Lani sa
kinalalagyan ng kanilang baso at uminom muna ng tubig na mula sa bukal.
“Magmadali ka na’t papasok ka pa”,
wika ni Fely.
“Mukhang mahuhuli ka na naman sa klase
mo”, dagdag pa nito.
Umupo na si Lani at kumain na ng
umagahan. Tila ito’y nasa paligsahan sa bilis nitong kumain. Nang biglang
nitong nadama ang tulak ng kaniyang lalamunan. Dali dali itong tumakbo papunta
sa lalabo at inilabas ang lahat ng kaniyang kinain. Nagsimulang tumibok ng mabilis
ang kaniyang puso. Nagsimula nang pumasok ang madaming bagay sa isipan niya,
hindi mawari kung ano ang paniniwalaan.
“Ano nangyari sayo Lani?”, wika ng
kaniyang ina.
“Wala po ito inay, nalamigan lang po
siguro ang sikmura ko gawa ng tubig na ininom ko”, sagot ni Lani.
“Napansin ko kasing parang matamlay ka
noong mga nakalipas na araw pa”, dagdag pa ng kaniyang ina.
Hindi nalang pinansin ni Lani ang
kaniyang mga narinig mula sa kaniyang ina. Dumiretso na ito sa kaniyang kwarto
at nagbihis upang pumasok. Nag-iwan nalang ito ng halik sa kaniyang ina at
tumungo na sa kaniyang eskuwelahan.
Balot pa rin ng panggamba si Lani,
iniisip ang mga bagay-bagay. Patuloy siya nitong ginambala hanggang sa
makarating siya sa pamantasan na ilang kilometro ang layo mula sa bahay nila.
Doon niya nakita ang kaniyang kaibigan na si Carmela. Gawa ng tambak na Gawain
ay kinulang rin ito ng tulog.
“Lani! Naku, buti na lang at nakita
kita agad, natapos ko na ang proyekto natin sa sosyolohiya”, bungad ng pagod na
pagod na si Carmela kay Lani.
“Salamat Carmela, nabawasan na ang
kaba ko. Patawad kung di kita masyadong natulangan sa Gawain nating iyon”,
sagot ni Lani.
“Parang nangayayat ka ata. Napansin ko
ding tila palagi kang pagod”, sabi ni Carmela. “Kailan ka huling dinatnan?”,
tanong pa nito.
Sagot ni Lani, “Dalawang linggo na
ring ang nakalilipas”.
Sa kanilang paglalakad ay nakasalubong
nila si Joel, ang patagong kasintahan ni Lani na nag-aaral din sa pamantasang
iyon. Nang magkasalubong ang mga mata ng dalawang magkasintahan ay nadama agad
ni Joel ang hindi masabing pagkatakot ni Lani. May nais sabihin si Lani ngunit
pinipilit itong lunukin ng sarili nitong takot- takot na mawalan, takot na
iwanan. Ngunit nagawa niyang itago ito sa kaniyang ngiti na siya namang
nakapukaw sa mga mapagmasig na mga mata ni Joel.
“Lani, kong tawagin ka sa bintana
ninyo kanina at ‘di ka manlang sumilip na tulad ng dati, may problema ba?",
tanong ni Joel.
“Wala naman Joel, sadyang mahimbing
lang ang tulog ko kanina kaya’t hindi ko na narinig ang tawag mo”, sagot ni
Lani.
Di pa rin nawala ang kabang nadama ni
Lani. Minabuti nitong magpalipas muna ng ilang minuto sa harding katabi lang ng
gusaling kinaroroonan ng silid-aralan nila at pinauna na ang kaibigang si
Carmela sa kanilang silid. Umupo siya sa isang sulok. Pinag-isipan ang mga
bagay. Mabilis na dumaloy sa kaniyang isipan ang lahat ng maari niyang gawin
para mapatay ang kabang iyon. Bigla nalang nandilim ang paningin ni Lani
hanggang sa nawalan ito ng malay.
Nagising na lang siyang nakahiga sa
kaniyang higaan. Nadatnan na niyang nasa tabi niya ang kaniyang ina at si
Carmela.
Kinamusta ni Carmela si Fely kung ano
na ang nararamdaman niya. Kailangan ko na ring umuwi dahil gabi na. Patuloy na
itong nagpaalam kay Lani at lumisan na nang biglang pumasok ang kaniyang inang
hindi maipinta ang mukha.
“Anak, kailan mo pa ito itinago sa
amin”, wika ni Fely. Lalong tumindi ang kabang nadarama ni Lani.
“Sinong ama ng batang nasa sinapupunan
mo? Magsalita ka!”, madiing wika ni Fely.
Umiyak na lang siya sa pagkakataong
iyon, hindi alam ang gagawin. Dali daling kinuha ni Fely ang telepono at
tinawagan ang asaw nitong si Poncho na nagtatrabaho sa Maynila upang sabihing
palipatin na lang ang dalaga sa maynila at doon na lang pag-aralin. Nang
malaman ni Poncho ang nangyari ay umuwi agad ito pabalik sa San Vicente.
Pinalipas na muna nang mag-ina ang gabing iyon. Hindi pa rin magawa ni Lani na matulog
at subukang kalimutan ang pangambang bumubulabog sa kaniya.
Tumayo si Lani, kinuha ang kaniyang
bayong, kinuha ang kaniyang mga damit, at umalis sa kanilang bahay ng walang
pasubali. Tumungo siya sa bahay ni Joel at doon ay nagpalipas muna ng gabi.
“Buti na lang at wala ang inay at itay
dito. Ano ba ang nagyari’t napunta ka dito ng ganitong oras?”, wika ni Joel.
“ May aaminin ako… Buntis ako Joel. At
anak natin itong nasa sinapupunan ko”, sagot ni Lani.
Malaki ang dilat ng mga mata ni Joel nang marinig
niya ang sinabing iyon ni Lani. Nagulantang din ang binata at hindi alam ang
gagawin. Ayaw rin naman ni Joel na mangyari ang bagay na iyon at isa na lang
naisip niyang paraan para hindi matuloy ang pagkabuo ng bata.
“Ipalalaglag na natin iyan”, ayon ni
Joel.
Inisip nang dalaga na mas marapat na
lamang n ituloy na lamang ang kaniyang pagbubuntis at magtanan na lamang ang
dalawa.
“Hindi ko magagawa iyon! Paano na ang
itay at inay? Tiyak ay magagalit sa akin iyon. Paano na ang pag-aaral natin?
Lalo na’t nangunguna ka sa klaso ninyo. Masasayang lang ang lahat ng
pinagpaguran mo”, ani ni Joel.
“Sasamahan kita bukas sa bayan, doon
ay ipapalaglag natin ang bata”, dagdag ni Joel.
Kinaumagahan ay tumungo na sila sa
bayan. Hindi mapigilan ni Lani ang pagpawis ng kaniyang mga kamay, tinatanong
ang sarili kung tama ba ang kanilang gagawin. Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang
paglalakbay ay nagpagtanto niyang tama na rin na ituloy nila ang pagpapalaglag
sa bata.
“Tama na rin siguro kung itutuloy
namin ang pagpapalaglag. Mawawala na ang pangamba ko. Matapos nito ay pwede na
kaming lumayo sa San Vicente at bumukod na. Maari kong magamit ang mga
natutunan ko sa pamantasan para bumuo ng isang negosyo. Mayroon din naman akong
naipon kahit papano.”, bulong ni Lani sa sarili.
Nakarating na sila sa klinik at
dumiretso na sa proseso. Matapos ang ilang mga realisasyon ay tumatag at
lumakas ang kaniyang loob. Naramdaman niyang dumapi ang karayom na nagpawala ng
kanyang pakiramdam. Dama niyang ang mga bakal na sumusubok na kitilin ang buhay
ng batang nasa sinapupunan niya. Unti-unti nang inilibas ng kumadrona ang
katawan ng walang kalaban laban na nilalang na iyon. Nawala na ng tuluyan ang
takot na kumain sa buong katauhan niya sa mahabang panahon.
Makalipas ng ilang araw ay tumungo na
sila sa bayan ng San Isidro kung saan ay napagdesisyunan nilang manahan. Dito
ay nagsimula silang matutong tumayo sa kanilang sariling paa. Nagsimula na din
silang maging masaya at ipagpatuloy ang kanilang buhay. Ngunit nagkamali sila.
Bawat gabi ay parang binabangunot si
Lani ng kaniyang konsensya. Madalas ay nagigising siya gawa ng sakit na hindi
niya maipaliwanag. Tila binugbog ang kaniyang likod ng maliliit na kamay na
humihingi ng tulong. Dinadalaw din ang kaniyang kalooban ng bulong ng maliit na
boses na nagpapalugmok sa damdamin ni Lani na nagnanais nang maging masaya
muli, ‘ di niya ito magawang malabanan. Biglaan ding bumagsak ang kaniyang
bigat, tila kinain ng bibig nang batang minsan nang pinutulan ng karapatang
mabuhay.
Hanggang sa gabing iyon ay nandilim na
lang ang kaniyang paningin.
Wari’y nahulog sa isang patibong na
siya rin ang gumawa.
Naghanap ng liwanag ngunit wala siyang
masilayan.
Mga maling realisasyon ang bumulag sa
kaniya upang magdesisyon ng tama. Nawala ang talinong kaniyang inaankin na
siyang dapat niyang ginamit upang solusyunan ang mga bagay na ito- mga bagay na
bunga ng pagkakamaling pinag-isipan gamit ang pusong parating mali na lang ang
pinaghahari.
“Anak, patawin mo ako. Bakit ko naisip
ang bagay na iyon. Patawarin mo ako…”. Nawalan siya ng malay, hanap hanap ang
bagay na tinanggalan niya ng importansiya sa mundo.

No comments:
Post a Comment