Bakit ba takot kang masaktan?
Eh kahit huwag mo na ngang
pag-isipan pa, hindi lang ikaw ang ayaw masaktan.
Tara,bumalik tayo sa nakaraan.
Natanong mo na ba ang sarili mo
kung bakit mo sinubukang magbisikleta kung alam mong sesemplang ka naman? Natanong
mo na rin ba ang sarili mo kung bakit mo sinubukang saluhin ang luha ng nagbabagang
kandila kahit alam mong paso lamang ang matatamo mo rito?
Bakit mo rin pinilit ang sarili
mong masaktan ang mga daliri mo matutunan lamang ang pagtugtog ng gitara?
Kase nga, gusto mong matutong
bumalanse, gusto mong magkaalam, gusto mong maging magaling.
Kase nga, gusto mong
lumago bilang tao.
Bakit ba takot kang masaktan?
Kung tutuusin, di naman
talaga masakit masaktan. Kaya lang siguro tayo nasasaktan dahil bago lang iyon
sa atin. Marahil likas na sa atin na sabihing nasaktan tayo sa mga pagkakataong
iyon dahil hindi natin nagustuhan ang epekto ng mga ito sa atin, ngunit sa una
lamang iyon. Sa bahaging ito ko na ipakikilala sa iyo si 'Manhid'.
Bahagi na ng buhay
natin bilang likha na mayroong pakiramdam ang masaktan. Ngunit bakit tila
kinakalaban mo ang tinakdang ipadama sa iyo ng Diyos?
Hayaan mo lang kase. Hayaan mo
lang na bumaon. Hayaan mo lang na masugatan ka. Hayaan mo lang magdugo.
Hanggang sa magdugo pa nang magdugo.
Bakit ba takot kang masaktan?
Sarap na lang kase
palagi ang hanap mo. Saan ka dadalhin ng 'Sarap' na iyan? Eh masarap nga rin ba
ang tatambang sa iyo sa bandang huli kapag sinama mo yan hanggang sa dulo ng
buhay mo?
Ilusyon. Iyan ang tawag d'yan.
Lahat tayo kaibigan nyan, kaso lang siya iyung kaibigan na dapat na
itinatakwil, iyung nilalayuan. Ika nga, piliin mo iyung mga bagay na huhubog sa
pagkatao mo.
Bakit ba takot kang masaktan?
Ang realidad ay isang
malaking patalim, patalim na dapat ay ikinatutuwa mo pang labas-pasok na
tumatarak sa sarili mo. Nang hindi namamalayan, butas ka na. Butas, ibig
sabihin ay nawala na ang ilang bahagi mo. Ngunit, babalik rin sa dati ang
pagkasirang ito. Salamat sa mga karanasang lulunas rin sa iyo sa bandang huli.
Sa pagkakataong iyon, manhid ka na, malakas ka na.
Kung tatanungin mo ako kung
"Paano bang mabuhay nang hindi nasasaktan", parang tinanong mo na rin
ako na 'Paano bang maghilod nang hindi nasusugatan". Masakit kase
hinuhubog ka. Masakit kase pinipino ka. Masakit kase ginagawa kang ganap na
tao.
Kaya't kung nasa estado ka na
ang nais mo pa lamang ay ang 'Sarap', mag-isip-isip ka na kung saang daan na ang
tinatahak mo.
Sa buhay, dapat ang hanap mo ay sakit. Dahil sa lahat
ng bagay na ibibigay sa iyo ng Diyos, sakit lang ang may kakayahan na ituwid
ang lahat ng kabaluktutan mo. Hayaan mo lang, masakit na kung masakit! Ikaw
rin, malalaman mo kung anong dulot sa iyo ng sakit kapag lumaon.
No comments:
Post a Comment