| SOURCE: http://www.images.google.com |
It’s More Fun In The
Philippines
Sa Panulat ni Christian A. Gallardo
“Philippines?! Oh!
Such a lovely place, such a lovely place”, wika ng isang Foreigner na
natyambahan ng isang interviewer sa Boracay. Matapos kong marinig ang linyang
iyon mula sa isang interbyu na napanood ko sa telebisyon ay mas lalong nabusog
ang aking puso ng pagmamahal ko sa aking Bayang
Sinilangan.
Ayon sa guro ko sa Ingles noong nasa mataas na paaralan
pa lang ako, Nationalism daw ang
tawag sa pagmamahal mo sa bansang iyong kinabibilangan. Eh sa bansang katulad
ng Pilipinas, ano pa bang mahihiling mo? Dahil sa mga katangian nitong
namumukod tangi sa iba pang mga karatig bansa, kahit saan ka lumingon ay
masasabi mong “Pinas lang ang mayroon niyan!”. Dagdag pa rito ang sandamakmak
na mga Listahan kung saan nabibilang ang
Pilipinas, ang masasabi mo na lang ay “Edi Wow!”.
Transportation. Pilipinas
ang unang bansa sa asya na nagkaroon sa Railway
System upang medyum ng transportasyon at maging sa kasalukuyan,
katangi-tangi pa rin ang Pilipinas sa aspetong ito.
Biruin mo ba
naman, tila naglalaro ng Stop Dance
ang mga tren sa Maynila sa halos araw araw nitong serbisyo. Kung hindi
naglalaro ay uugod ugod naman na dahil sa nagsisitandaan nitong mga bagon at
riles na nagbubunga naman ng pagkahaba-habang pila ng mga pasahero. Dahil rin
dito, madami rin ang nawawalan ng pagkakataon na magawa ang kani-kanilang mga
trabaho dahil sa oras na nawawaldas nila sa pilang kanilang nakasasalamuha
araw-araw. Sa kabilang banda, nakabubuo naman ito ng bagong Circle of Friends gawa ng pagkaburyot ng
mga ito sa pila. Saan ka pa? Sa Pilipinas lang mayroon nyan! Kaya bumagsak sa
ikalimang puwesto ang Pilipinas sa listahan ng mga masasayang bansa sa mundo.
Nature. Anong
kulay ng dagat? Blue! Blue! Nga naman, dahil sa mahirap maipaliwanag na
kadahilanan, para sa isang payak na tao ay kulay bughaw ang kulay ng dagat at
maging ng iba pang mga anyong tubig. Ngunit sa Pilipinas, iba-iba ang kulay ng
tubig sa mga ilog!
Sa mga ilog na matatagpuan sa mga paanan ng mga bundok,
tsokolate ang kulay ng tubig na dumadaloy sa mga ito. Gawa ng mga
pagkadami-daming mga ginagawang bagong villages
at subdivisions, kailangang putulin
ang mga puno na siya namang nagtataglay ng mga ugat na siya ring nagbibigkis sa
mga lupa ng mga bundok. Ngunit dahil wala na sila, wala na ring kakapitan ang
mga lupang ito kung kaya’t sila na lang ang nagsisilbing kulay na nagbibigay
buhay sa mga ilog. Kaya minsan, nakakagutom kapag dumadaan ako sa Marikina
River.
Mayroon ding mga Berdeng ilog. Tampok nito ang mga pesteng
Water Hyacinth na inaalagan ng ating Gobyerno. Minsan inaalis nila ito kapag
panahon ng eleksiyon at matapos noon ay back
to normal na ulit ang lahat.
Black Water? Hindi pabango yan! Tubig rin yan na mula sa
ilog! Nagtataglay naman ito ng iba’t ibang kemikal na humahalo sa tubig ng
ilog. Sa sobrang kemikal na nakahalo rito, pruo Janitor Fish na lang ang makikita mong namamalagi rito. Ganyan ka-colorful ang mga ilog sa Pilipinas.
Government System.
“Daan tungo sa Tuwid na Daan”. Panis! Dahil nga Tuwid na Daan, eh bilog din
ang mundo, balik tuloy ulit ang Pilipinas sa dati nitong estado… nganga sa
pamumuno na mula sa kawani ng pamahalaan. Eh sa mga Senate pa nga lang,
naghihilaan na sila ng paa pababa lalo na ngayon at palapit na nang palapit ang
Eleksiyon, kailangan na nilang magpabango. Kaya hindi mo alam kung sino na sa
kanila ang pagkakatiwalaan mo. Dahil rin sa kanila, madaming natatambak na mga
problemang din a masolusyunan hanggang sa mabaon nalang ito sa lupa, kasama na
irot ang Korupsyon. Kaya nga nakaka-proud dahil napabilang tayo sa Most Corrupt
Countries, nakakagaan sa pakiramdam. Peymus na naman ang Pinas.
Marahil sa mata ng mga dayuhan, “Such a Lovely Place” ang
Pilipinas. Oo nga naman. Madaming maipagmamalaki sa baying ito, pero ewan ko ba
kung ano ang takbo ng utak nating mga Pilipino. May pagkapulpol rin kasi tayo.
At karamihan sa atin ay hindi pa ganap na mulat ang mga mata sa tunay na estado
ng ating bayan. Puro lang talak, wala namang kilos. Ganyan ang Pinoy. It’s More Fun in the
Philippines!
No comments:
Post a Comment