Wednesday, April 13, 2016

Pinagtagpo


Tunay na may mga bagay na pinagtatagpo ng tadhana...
  

     Tik, tak, tik, tak.
     Pinagtagpo tayo. Sigurado ako roon.
     Kung 'di ka ba naman makasasalubong oras-oras, palagi kang nasisilayan, mga ngiti mo, sigurado akong ikaw na nga.
     Marahil hindi pa ito nasagi sa iyong isipan dahil hindi hamak na mas kailangan mong ituon ang oras mo sa iyong gawain, sigurado ako sa nadarama kong ito sa iyo. Tanungin mo pa ang animnapung mga linyang parehas tayong napagmamasdan sa buong panahon ng ating buhay.
     Kung pwede ko lang ring bilisan ang takbo ko, gagawin ko, makasabay ka lamang.

     Tik, tak, tik, tak.
     Pinagtagpo tayo. Sigurado ako roon. Pero...
     Napakatulin! 'Di ko nga alam kung natitigan mo pa ang lahat ng nakasasalamuha mo, lalo na ako.
     Natatandaan mo pa kaya ako? Ang mukha ko? Ang mga mata ko? Kasi sasabog na talaga ako. Ni mga mata ko ay sumisigaw na ng pagsinta ko sa iyo. Ngunit paano nga kung mabilis ang mga pangyayari?

     Tik, tak, tik, tak.
     Pinagtagpo tayo. Sigurado ako roon. Pero mukhang wala na.
     Nakakasawa rin pala. Kasi pinagtagpo lang talaga tayo.
     Nabiktima na naman ako ng salitang "Akala". Akala ko tayo na. Akala ko may mangyayari. Akala ko may magsisimula. Akala ko may patutunguhan. Ngunit lahat lang pala ng mga iyon ay nasa isipan ko lang. Mukhang wala na nga talaga.

     Tik, tak, tik, tak.
     Pinagtagpo tayo. Sigurado ako roon. Pero mukhang wala na. Wala na nga.
     Ngunit patuloy pa rin ang buhay. Gustuhin ko mang bigyan ng oras ang pagpapadama ko sa iyo ng aking nararamdaman, hindi ko malalaban ang batas ng tadhana. Kaya kitang habulin, ngunit may mawawala. Ano pa't may mabubuo kapag sinunod ko ang gusto ko kung may masisira rin naman?
     Oo pinagtagpo tayo, ngunit hindi ibigsabihin noon ay tinadhana tayo. Dahil kailanman, hindi magiging katumbas ng pinagtagpo ang itinadhana.
     Itinadhanang magtagpo ngunit hindi pinagtagpo dahil tayo ay itinadhana.

2 comments:

  1. Natutuwa ako't may nabasa na naman akong post mo. Mukhang malalim ang pihuhugutan ng paskil mo, sigurado ako roon. Huwag kang mag-alala, maaaring marami pang nakatadhana na makasalubong mo, makatitigan, makabangga, at makausap mo at sinisigurado ko sa iyo na marami pa sila sa mundo na nakatadhana upang makadaupang palad mo. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat po maam! :) Bunga lang po ng sobrang pag-iisip! :D hahahaha

      Delete